Jaguar(KUwENTO) Oras ng labasan. Nagbu-bundy clock ang mga papalabas na
mga MANGGAGAWA. Nasa tabi ng desk ng security guard ang bundy clock.
Nakauniporme si POLDO, nakaupo sa gilid ng desk. May kasama syang
GUWARDIYANG BABAE. Iniiksamin nilang dalawa ang mga bag ng mga
trabahador. Ang mga lalaki'y kinapkapan ni Poldo. Dadaan si SONNY, may
bitbit na attach case. Sasalubungin siya ni Poldo. Itataas ni Poldo ang
palad sa harap ng mga nakapilang manggagawa, parang pulis na
nagpapatigil ng trapik. Ang ekspresyon sa mukha ni Poldo ay parang
nagsasabing: relaks lang muna kayo riyan; boss ito at dapat unahin.
Uunahan ni Poldo si Sonny. Ipagbubukas ito ng salaming pinto. EXT.
GASTON PUBLISHING HAPON. Susunod si POLDO hanggang sa kotse ni SONNY.
Bubuksan ni Sonny ang pinto ng kanyang kotse. Hahawakan ni Poldo ang
pinto habang pumapasok si Sonny. Saka sasarhan ang pinto matapos
makaayos ng upo si Sonny. POLDO: Sir, sa Linggo, ha? Baka nyo
makalimutan. SONNY: Ano'ng sa Linggo? POLDO: Yung piyesta sa'min. SONNY:
Piyesta..a, oo. Hindi ko makakalimutan 'yan. Sasaludo uli si Poldo.
Tatakbo patungo sa labasan ng driveway. Pasenyas- senyas at
pasilba-silbato, pahihintuin niya ang trapik sa kalsada para makalabas
ang kotse ni Sonny. EXT. SLUM AREA 1. TANGHALI Piyesta sa komunidad. May
kaunting banderitas na nakasabit. Sa harapan at lob ng mga bahay-
bahay, MARAMING nagkakainan, nag-iinuman, at nagkakaingayan. EXT. BAHAY
NINA POLDO. TANGHALI Nakatayo si POLDO sa harap, may inaabangan at
mukhang inip na inip. Bihis na bihis siya. May hawak na bote ng beeer at
kakaunti na ang laman. Sa background, MAY MATANDANG MAG- ASAWA AT
DALAWANG APONG nakaupo sa dalawang mahabanh bangko kumakain. Kinakausap
ng TIYUHIN ang matandang lalaki. Ang TIYAHIN NI Poldo at si MARISSA ay
may dalang nga bandehado ng mga ulam at nag-aalok ng mga bisita na
kumuha pa. Tinutukso-tukso ni totoy ang dalawang apo- kinakalabit ang
batok, pinipitik ang tenga. Nasa isang tabi ang mesitang ginagamit ng
tiyuhin sa trabaho. Malinis ito ngayon, walang nakapatong na mga
kagamitan ng sapaterya. Sa tabi nito, may mahabang dram na natatakpan ng
sako. Uubusin ni Poldo ang laman ng hawak na bote. Lalapitan ang
mahabang dram. Ititindig ang basyo sa tabi ng dram. Hahawiin ang saka.
Ang laman ng dram ay mga bote ng serbesa at malalaking tipak ng yelo.
Kukuha si Poldo ng isang malamig na bote. Bubuksan niya ang bote sa
pamamagitan ng ngipin. Iluluwa ang tansan. Tututungga siya. Habang
ginagawa ito ni Poldo. Sa background ay makikitang lumalabas sa pinto ng
bahay ang kapatid niyang si AIDA, kasama ang isang pulutong ng mga
kaklase. Maingay at masaya, nagpapaalam kay Aida ang mga kaklase.
Papasok sa bahay si Poldo, kasunod si Marissa. INT. BAHAY NI POLDO.
TANGHALI Sa mesa ng komedor-kusina, nakalatag ang maraming pang ibang
bandehado ng pagkain, puro may takip na wax paper. Nasa banggerahan si
ALING ELENA, naghuhugas ng pinggan. ALING ELENA : Wala pa ba ang nga
bisita mo, Poldo? POLDO : (Ngumu-nguya) Wala pa ho, e. MARISSA : Hindi
kana siguro sisiputin no'n kuya. Class yata yong boss mo, e. Hindi 'yon
ang tipong tumutuntong sa barung-barong. POLDO : Oy, wag ka ngang sumali
sa usapan ng matatanda, ha? MARISSA :Sayang ang pinambili mo ng beer.
Sana kuwatro kantos nalang ang binili mo, Tayu-tayo lang pala ang iinom.
POLDO :Ako ba'y talagang niloloko mo? ALING ELENA :Poldo, kumain kana.
Pasado ala-una na, baka ka malipasan. Tapos na kaming lahat. POLDO
:Kumakain na nga ho. Ano pa ba 'tong ginagawa ko? ALING ELENA :Ba't
hindi ka kumuha bg pinggan at umupo nang maayos? Maiimpatso ka niyan sa
ginagawa mo. Tamo, ni hindi ka nagkakakain. Ang dami naming kanin diyan.
Nagsasalita pa si Aling Elena ay maririnig na ang boses ng TIYUHIN mula
sa labas. TIYUHIN : (Voice over ) Poldo! Mga bisita mo! Eto na! (sa mas
mahinang boses) Tuloy na ho kayo, nasa loob ho si Poldo. Aida samahan
mo ang mga bisita ng kuya mo. Mabilis na isusubo ni Poldo ang kapirasong
ulam na hawak niya. Ipapahid ang daliri sa gilid ng mantel.
Lakad-takbong pupuntahan ang pinto. Hustong pumapasok naman si Aid,
kasunod sina SONNY, DIREK, CRISTY, EDMON, JING at BOSYO. Si Sonny ay may
hawak na bote ng stateside whisky. POLDO : Tuloy kayo, tuloy. Akala ko
hihiyain n'yo ko e. SONNY : (inaabot ang bote ng whisky kay Poldo) Pwede
ba 'yon? Eto nga't may pasalubong pa ako. POLDO :'Nay mga….kaibigan
ko…Boss ko ho, si…a…si Sonny. ALING ELENA :Magandang tanghali po.
SONNY :Magandang tanghali po naman. ALING ELENA :O, Poldo, bigyan mo ng
mga pinggan yang mga bisita mo. Aida, Marissa, tumulong muna kayo rito.
'Yong mga napkin, ilabas niyo. Habang kumukuha ng mga pagkain sina
Sonny, abalang-abala si Poldo sa pag-iistima sa kanila. Excited sya,
tuwang-tuwa. Si Cristy ay walang ekspresyon sa mukha, parang napilitan
lang sa pagkakapunta rito. Si Sonny naman ay parang pulitikong nasa
kanyang balwarte.
POLDO :Itong morkon, Sonny, Direk - ito ang
ispesyalidad ni inay. Cristy, kuha lang, ha? Jing, Edmon, abot lang.
Bosyo. SONNY :O, Cristy, tikman mo raw 'tong morkon. Ikaw Poldo, huwag
kang mahihiya,ha? Feel at home. EXT. BAHAY NINA POLD. HAPON. Malakas ang
tawanan, parang karugtong ng tawanan sa nagdaang sequence (Eksena).
Nagtawanan ang mga LALAKING BISITA ni Poldo. Lasing na ang lahat.
Nakaupo sila sa magkaharap na bangko. Nasa gitna nila ang mesita ng
sapatero. Nasa ibabaw nito ang bote ng beer; isang mangkok na na may
lamang halos tunaw nang yelo; isang bandehadong pulutan. Nakatayo si
Poldo sa may likuran ni Sonny, parang anghel de la guwardiya. Sa
background, makikitang nakabukod si Cristy, kinukwentahan at iniistima
ng husto ng Ina at mga kapatid ni Poldo. Nakikinig lang si Cristy. DIREK
:( Iaabot kay Poldo ang mangkok)Wala na tayong yelo, Jaguar. Sa
mababang dram, magtitipak ng yelo. Ibinubuhos ni Direk ang natitirang
laman ng whisky sa baso niya. Umiihi si Bosyo sa isang sulok. Kumakanta
si Sonny - wala sya sa tono. SONNY : " Si Bosyo kung umihi, sumasagitsut
pa nang konti.." Hagalpakan na naman ng tawa. Bigla, makakarinig sila
ng mga hiyawan at pagkaingay sa di kalayuan. Mapapatingin ang lahat sa
pinagmulan ng ingay. POV (point of view) NINA POLDO DALAWANG MATON
nagmumurahan, naggigirian pormang magkakatirahan. Nakapaligid ang iba
pang tambay at maton, nagmimiron, nanunulsullsol. Puro lasing ang mga
ito. BALIK KINA POLDO Nakatingin pa rin ang lahat. Nakatayo na si Sonny.
SONNY : Ano 'yon? POLDO : Wala 'yan. Talagang ganito dito kung piyesta-
hindi nawawalan ng gulo. BALIK SA MGA MATON Biglang susugod ang ang
isang MATON. Magkakasutunkan na ang dalawa. Titilapon si TAMBAY 1 sa
hanay ng mga KABARKADA ng kalaban niya. Magsusuguran na rin ang mga
barkada ni Tambay 1. BALIK KINA POLDO. Nakatayo na rin si Direk sa tabi
ni Sonny.. SONNY : Labu-labo na brod. DIREK : Oo nga, brod.
Magkakatinginan ang dalawa. Magtatawanan. Takang mapapatingin si Poldo
sa kanila. Itataas nina Sonny at Direk ang kanilang mga baso,
pagpipingkiin ang mga ito sa isang toast, at uubusin ang laman sa isang
tungga. Pagkatapos, parang iidiyan na hihiyaw ang dalawa-"Yahoo!"- at
mabilis na tatakbo papunta sa gulo. Saglit na mapapanganga si Poldo.
Saka magmamadaling iiling-iling pa na para bang sinasabi sa sariling:
eto na naman po kami. Patuloy lang sa pag-inom sina Edmon at Jing,
parang walang napapansing kakaiba. Takot at nininerbiyos si Cristy.
CRISTY : Sira-ulo talaga ang mga 'yon. JING :Magpapawis lang ang mga
'yon. Mag-aalis lang ng lasing. EDMON :'Yan ang katuwaan ng frat nila -
rumble… CRISTY : Walang frat- frat ditto. Baka sila malagyan ng gripo
sa tagiliran. Sa labu-labo, nakaawa pa sina Sonny at Direk habang
nakikipagsuntukan at nakikipagbalibagan. Sinundan-sundan ni Poldo si
Sonny. Seryoso si Poldo. Bahagi ito ng trabaho niyang ipagtanggol ang
kanyang amo. Sa kasusunod ni Poldo, masusuntok sya ng kalaban ni Sonny.
Matatawa si Sonny sa nangyari. Bibirahin ni Poldo ang nakasuntok sa
kanya. Titilapon ito. Magpa-flying kick si Direk. Makakailag ang
tinatarget nya. Sa halip, si Poldo ang tatamaan. Iilandang ito,
babalandra sa isang tabi. Grogi at nakasalampak sa putikan, may biglang
maaalalasi Poldo. Ilalabas nya ang silbato sa bulsa. Sisibato siya ng
malakas at sunud-sunod. May mga sisigaw ng "Parak! Parak! Magpupulasan
ang mga naglalabu-labo. Maiiwan sina Sonny, Direk at Bosyo. Pagtatawanan
nila si Poldo sa kinalalagyan niya. Mapapaangil na rin si Poldo. INT.
BAHAY NINA POLDO. GABI. Nasa harap ng salamin si Poldo. Naglalagay ng
merthiolate sa mga pasa-pasa sa mukha. Titestingin niya kung matatag pa
rin ang panga niya. Sa bangerahan, naghuhugas, naghuhugas ng pinggan
sina AIDA at MARISSA. Nakahiga sa sahig si Totoy, tulog. MARISSA :Kuya,
tulungan mo naman kami dito. POLDO :Kayo ang babae, kayo ang maghugas.
AIDA :Bisita mo ang gumamit nito a! Habang nagaganap ang pag-uusap na
ito, papasok si aling Elena. Bubuhatin niya si Totoy at panunuorin si
Poldo. ALING ELENA :Bakit naman ganun yung mga bisita mo, Poldo?
Naturingan pa namang may pinag-aralan e nakikihalo sa may gulo ng me
gulo? POLDO :Nakainom lang ho 'yon. ALING ELENA :At bakit pati naman
ikaw e nagsasasali? Mga tagarito pa sa'tin ang inaway mo. POLDO :Amo ko
ho 'yong napalaban, Inay, kelangan e damayan ko. Trabaho ko ho 'yon.
ALING ELENA :Aba'y trabaho na pala ang basag-ulo? Kung ganyan rin lang,
mabuti pa e maghanap ka na ng ibang trabaho. Tatalikod sa salamin si
Poldo at haharapin ang ina. POLDO :Inay, hindi ko ho ipagpapalit itong
trabaho ko ngayon. Palagay ko ho, narito ang asenso ko. Ngayon pa lang
swerte na ako. ALING ELENA :Suwerte? POLDO : (tuloy-tuloy lang, parang
walang narinig) Biro nyo may amo akong ang turing sa akin e kaibigan.
May kaya 'yan, may tinapos. Ako hanggang hayskul lang, mahirap pa sa
daga. Pero ang tingin sa'kin, pantay lang….parang kapatid. MARISSA
:Kapatid ba 'yong lagay na 'yon? Ang tingin ko inaatsoy-atsoy ka ke,e.
Saglit na matititigilan si Poldo. Pagkatapos ay babaling sa kapatid na
nanlilisik ang mga mata. POLDO :( NAGPIPIGIL NG GALIT) Ilang beses ko
bang sasabihin sa'yong huwag kang makikihalo sa usapan ng matatanda.
REPLEKSYON:
ito ay kwento ng isang guardya at sa kanyang amo na kung totoo bang kaibigan ng guardya ang kanyang amo dahil palagi siyang kasama nito kahit saan magpunta ang kanyang amo . At kng ano ang pagitan ng langit sa lupa .
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento