Sinasabing masarap ang bawal. Kung alin ang bawal ang siyang
nagugustuhan nating Gawin. ‘At iniutos ng Panginoong Diyos sa lalaki, na
sinabi. Sa lahat ng punungkahoy, halamanan ay makakakain ka na may
kalayaan: Datapwa’t sa kahoy na pagkakilala nang mabuti at masama ay
huwag kang kakain, sapagkat sa araw na ikaw ay kumain niyan ay walang
pagsalang mamamatay ka.’ Genesis 3: 16-17 Sa simula’y mga bata silang
walong taong gulang – isang lalaki at isang babae. At ang kanilang
daigdig ay isang malawak na loobang kinatitirikan ng dalawang tabla’t
yerong bahay, na ang isa’y nasa Silangan at isa’y nasa Kanluran; at sa
pagitan niyon ay walang bakod na nakapagitan. Ang malawak na looban ay
mapuno at mahalaman, maibon at makulisap at ang kanilang mga magulang ay
walang sigalutan- ang mga ito’y makaDiyos at walang araw ng Linggo o
araw ng pangolin na hindi makikita ang mga ito sa kanilang bisita sa
dakong hilaga ng nayon. Ang mga ito’y may rosaryo sa kanilang mga palad
at may usal ng dalangin sa mga labi. At silang dalawa- ang batang lalaki
at batang babae ay nagsisipag-aral kasama ng ibang bata sa maliit na
gusaling may tatlong silid, sa gusaling nasa dakong timog ng nayon.
Sila’y may mga pangarap, na ang sakop ay lumalakdaw sa hangganan ng
nayong iyon, ng baying iyon at ng lalawigang kinaroroonan niyon. II Wala
silang pasok kung araw ng Sabado at Linggo o mga araw na pista opisyal.
Silang dalawa’y naglalaro sa loob ng bakurang iyon, mula sa umaga
hanggang sa hapon. Umaakyat sila sa mga punong santol, sa punong
bayabas, marurupok na sanga ng sinigwelas, sa maligasgas at malulutong
na sanga ng punong mangga. Nagagasgas ang kanilang mga tuhod, nababakbak
ang kanilang mga siko, nagagalusan ang kanilang mga mukha at kung
minsan ay nalilinsaran sila ng buto kung nahuhulog-ngunit ang lahat ng
iyon ay hindi nila iniinda; patuloy sila sa paglalaro. Malamig sa ilalim
ng punong mangga. Makapal ang damo sa sakop ng lilim niyon kung umaga
at doon silang dalawa naghahabulan, nagsisirko, nagpapatiran at kung
sila’y hinihingal na’y hihiga sila sa damuhang iyon, titingalain nila
ang malalabay na sanga ng puno, sisilip sa langit ang kanilang mukha.
‘Loko mo…makikita mo ba ang mukha mo sa langit?’ minsan ay sabi ng babae
sa lalaki. ‘Bakit hindi? Ang langit ay isang malaking salamin…ang sabi
ng tatay ko,’ sagot naman ng batang lalaki. Ang batang babae ay
makikisilip din sa pagitan ng masinsing mga dahon, na waring ibig
patunayan ng sariling paningin ang sabi ng kalaro. At pagkaraang
tumingin sa langit nang matagal-sila’y lalagumin ng katahimikan-ang
kanilang katawan ay nakalatag na parang kumot, hanggang sa sila’y
makatulog at gisingin sila ng tawag mula sa kanilang bahay. Kung minsan,
ang batang lalaki ang unang magigising: kung minsan naman ang batang
babae. Ngunit sinuman sa kanila ang unang magising, kukuha ito ng
kaputol na damo at kikilitiin sa tainga ang natutulog. At ang natutulog
ay mapupukaw, mababalikwas at pagkarining sa siya’y pinagtatawanan ay
magtitindig at ang nangingiliti ay mapapaurong naman at anyong tatakbo
at sila’y maghahabulan sa damuhang iyon, magpapaikot-ikot hanggang ang
isa’y mahapo at sila’y muling bumagsak sa kalamigan ng damuhan,
magkatabi at hindi nila pinapansin ang pagkakadantay ng kanilang mga
binti o ang pagkakatabi ng nag-iinit nilang katawan. Kung sila’y
nagsasawa na sa loobang iyon, sila’y magtutungo sa dalampasigan kung
malamig na ang araw sa hapon. Namumulot sila ng kabibe. Nilalagay ng
batang lalaki sa bulsa ng kanyang putot na pantaloon at ang napupulot
niyang kabibe at ang nadarampot naman ng batang babae ay inilalagay nito
sa sinupot na laylayan ng suot nitong damit. Kung hindi naman kabibe
ang pinagkakaabalahan nila sa dalampasigan, naghuhukay sila ng halamis
sa talpukan, o kaya’y gumagawa ng kastilyong buhangin o kaya nanunugis
ng mga kulukoy na kung hindi makapangubli sa malalim na lungga ay
lumulusong sa talpukan at bumabaon sa masigay na buhangin. Ngunit hindi
lamang iyon ang kanilang ginagawa: nagtutudyuan din sila, naghahabulan
at kapag nahahapo na, mahihiga rin sila sa buhanginan tulad ng ginagawa
nila sa damuhan sa looban, at sa kanilang pagkakatabi nagkakatinginan
sila. Minsan ay itinanong ng batang lalaki sa batang babae: ‘Naririning
mo ba…..may tumutunog sa aking dibdib?’ Ang batang babae ay nagtakaa.
Bumangon ito ay tumingin sa nakatihayang kalaro. ‘Pakinggan ko nga,’
anang batang babae. Inilapit ng batang babae ang kaniyang tainga sa
dibdib ng batang lalaki, dumadaigdig ang katawan niya sa katawan ng
kalaro at nalalanghap naman ang nakahiga ang halimuyak ng kanyang buhok.
‘Ang bango mo pala!’ Ang batang lalaki ay nakangiti. ‘Aba…hindi naman
ako nagpapabango,’ anang batang babae na lumupasay sa tabi ng nakahigang
kalaro. ‘Paglaki ko raw ay saka na ako magpapabango, sabi ng nanay ko.’
‘Teka nga pala, narinig mo ba ang tunog sa dibdib ko?’ usisa ng batang
lalaki. ’Oo...ano kaya ang ibig sabihin niyon?’ Nagkatinginan ang dalawa
at ang lalaki ang unang nagbawi ng tingin. ’Malay ko...tena na nga.’
Bumangon ang batang lalaki, pinagpag ang buhanging dumikit sa kanyang
bisig at sa kanyang pantalon at nagsimula nang lumakad. Sinabayan siya
ng batang babae at habang isinasalisod nila ang kanilang mga paa sa
buhanginan habang lumalakad, nakatanaw sila sa papalubog na araw. ’Ang
ganda, ano? Bakit kaya kulay-dugo ang araw kapag palubog na?’ sagot
naman ng batang babae. Hindi sumagot ang batang lalaki. Nakatanaw ito sa
mapulang latay ng liwanag ng araw sa kanluran. III Puring-puri ang
dalawang bata ng kanilang mga magulang, ng kanilang mga kanayon. At
kinaiingitan naman sila ng ibang batang hindi nagkaroon ng pagkakataong
makihalubilo sa kanila. ’Siguro, paglaki ng mga batang ’yan...silang
dalawa ang magkakapangasawaan.’ Maririnig ng dalawang bata ang salitang
iyon at sila’y nagtataka. Hindi nila madalumat ang kaugnayan ng kanilang
pagiging magkalaro sa isang hula sa hinaharap. Higit pang nakaabala sa
kanilang isip ang sinasabi ng kanilang mga kaklase sa silang dalawa’y
parang tuko – magkakapit. At minsan nga ay napalaban ng suntukan ang
batang lalaki. Isang batang lalaking malaki sa kanya ang isang araw na
pauwi na sila ay humarang sa kanilang dinaraanan at sila’y tinudyo ng
tinudyo. ’Kapit-Tuko!’ Umiyak ang batang babae. Napoot ang batang
lalaki. Ibinalibag nito sa paanan na nanunudyong batang lalaki ang
bitbit na mga aklat. Sinugod nito ang mga kalaban. Nagpagulong-gulong
sila sa matigas na lupa, nagkadugu-dugo ang kanilang ilong,
nagkalapak-lapak ang kanilang damit, hanggang sa dumating ang guro at
sila’y inawat at sila’y pinabalik sa silid-aralan at pinadapa sa
magkatabing desk at tumanggap ng tatlong matinding palo sa puwit.
Pagkaraan ng pangyayaring iyon, napag-usapan ng dalawang bata ang bansag
sa kanila. At sila’y nag-isip, na lalo lamang nilang ikinalunod sa
kanilang kawalang-malay. IV Namumulaklak ang mga mangga, namunga,
nalaglag ang mga bugnoy, dumating ang namamakyaw at sa loob ng ilang
araw lamang nagsanib ang bunga ng mga sanga nila sa damuhan at sila ang
unang sumungkit sa mga unang hinog. Nangalaglag ang mga dahon ng
sinigwelas, namulaklak iyon at dumaan ang mahabang tag-araw, at ang
damuhan ay natuyo at kanilang naging tagpuan ay ang dalampasigan at
madalas man sila roon ay hindi nila masagut-sagot ang bugtong kung bakit
kulay dugo ang silahis ng araw kung dapithapon. At sa wakas ay namunga
ang sinigwelas, mga luntiang bubot na pinitas nila ang ilan at
pagkaraang isawsaw sa asin ay kanilang tinikman at sila’y naasiman at
idinalangin nila ang maagang pag-ulan-sapagkat sabi ng kanilang lola’y
madaling bibintog at mahihinog ang bunga ng sinigwelas kapag naulanan.
Sila’y naniniwala at hinintay nila ang ulan, at nang pumatak iyon sa
kalagitnaan ng nayon, silang dalawa’y nagpugay, naligo sa ulan,
naghabulan sa looban at nayapakan nila ang tuyong damo, na waring bankay
ng siang panahong hinahalinhinan ngayon. Pagkaraan pa ng ilang araw,
nadungawan nilang hinog na nga ang sinigwelas. Nagmamadali silang nanaog
at ang batang lalaki’y umakyat sa puno at ang batang babae naman ay
naghanap ng sungkit. At ang pamumulaklak, pamumunga at pamumulaklak at
pamumunga ng mangga, santol at sinigwelas at ng iba pang punungkahoy,
halaman sa bagong supling; ang araw ay lumubog at sumikat at hindi pa
rin nagbabago ang kulay ng silahis niyong kung dapithapon. Ang paaralan
sa nayon ay malapit nang magpinid; ang guro ay naghanda na ng isang
palatuntunan’ ang mga magulang ay walang pinaguusapan kundi ang
katalinuhan ng kanilang mga anak. V Nang dumating ang pasukan, ang
batang lalaki at ang batang babae ay sakay ng kalesa patungo sa bayan.
Doon sila mag-aaral ng haiskul. Ngunit iba na ang kanilang ayos. Ang
batang lalaki ay hindi na nakapantalong maikli-putot; siya’y nakalargo
na at pantay na ang hati ng buhok na nangingintab sa pahid ng pomada.
Samantala, ang batang babae ay may laso sa buhok na nakatirintas at ang
kanyang suot na damit ay lampas tuhod at hindi makikita ng batang lalaki
ang alak-alakan nito. Dito dumaan sa kanilang buhay ang isang
pagbabago, na hindi nila mapigil at siyang nagbukas sa kanila upang
masaklaw ng tingin ang paraisong kanilang kinaroroonan. Sa paghawak na
kanilang daigdig, ang batang lalaki’y hindi na sa batang babae lamang
nakikipaglaro-siya’y kahalubilo na rin ng maraming batang lalaking
pumapasok sa magagapok na gusaling iyon ng paaralan. Nakikipagharutan
siya sa mga ito, nakikipagbuno, nakikipagsuntukan-at higit sa laht
nakikituklas ng lihim ng isa’t isa. Isang araw, sa likod ng paaralan,
isang pangkat ng batang lalaki ang nakapabilog at isang batang lalaki
ang nasa loob niyon at may pinakikita sa kasamahan. Nakisiksik din siya
sa mga batang lalaki at nakita niya ang isang bagay na hindi niya alam
na kailangang mangyari sa kanya. Umuwi siyang parang tulala nang hapong
iyon at kinagabihan ay hindi siya nag-aral. Umupo siya sa baitang ng
kanilang hagdan at nag-isip hanggang sa makita siya roon ng kaniyang
ama. Inusisa niya sa ama ang kanyang natuklasan sa paaralan at itinanong
niya rito kung bakit kailangang gawin pa iyon. Nagtawa ang kanyan ama.
Tinapik siya nito sa balikat. ’Kailangan niyon upang ikaw ay maging
isang ganap na lalaki,’ sagot ng kaniyang ama. Natingala lamang niya ito
at ang pamimilog ng kanyang mga mata’y naghiwatig ng pagkakaroon ng
lamat sa kanyang kawalang-malay. ’Hayaan mo...’ dugtong ng kaniyang ama.
Isang araw isasama kita kay Ba Aryo. Maging matapang ka lang sana...’
Ibig niyang ipagtapat iyon sa batang babae, ngunit aywan niy kung bakit
nahihiya siya. Ngayon lamang niya nadama iyon. Kaya’t kahit patuloy pa
rin silang naglalaro sa damuhan o kaya’y nagtutungo sa dalampasigan
tuwing wala silang pasok, ang alalahanin ukol doon ay nakabawas sa sigla
ng batang lalaki. At isa ngang araw, Sabado ng umaga, isinama siya ng
kaniyang ama sa bahay ni Ba Aryo sa tabi ng ilog. Ngumata siya ng dahon
ng bayabas, pumikit siya at pagkaraan ng iba pang ginawa, siya’y
itinaboy ni Ba Aryo upang maligo sa ilog. ’Ang damuho...pagkalaki-laki’y
parang hindi lalakit.’ Ang narinig niyang iyon kay Ba Aryo, kabuntot ng
malutong na halakhak ng kanyang ama ay natanim sa kaniyang isip at
patuloy na nagpalaki sa lamat ng kaniyang kawalang-malay. VI Kasunod ng
panyayaring iyon, aywan niya kung bakit iba na ang kanyang pakiramdam.
Gayong magaling na ang sugat na nilikha isang umaga sa harapan ng bahay
ni Ba Aryo. Hindi pa rin nagbabalik ang kanyang sigla. Natitigilan siya
kung nakikipaglaro sa batang babae. Nangingimi siyang tumabi rito kung
ito’y nakahiga sa damuhan o dalampasigan. Hanggang isang araw ay
napansin niyang namumula ang mata ng batang babae nang dumating ito
isang dapithapon sa tabing-dagat. ’Bakit?’ usisa niya. ’Wa-wala...wala!’
Nag-isip ang batang lalaki. Naisaloob niyang baka ang kawalang-sigla
niya sa pakikipaglaro niya rito ang dahilan. Tinudyo niya ang batang
baba, kiniliti, napahabol dito hanggang sa mahawa ito at sila’y
naghabulan na sa buhanginan, sumsisigaw sila sa katuwaan hanggang sa
manigas ang kanilang mga binti at kinakailangang humiga na naman sila sa
buhanginan. Humagikgik pa sila ng mapatong ang kamay ng batang lalaki
sa kanyang dibdib at madama niyang lalong malakas ang pintig doon.
‘Tingnan mo...pakinggan mo ang tunog sa dibdib ko,’ anyaya ng batang
lalaki. Ngunit hindi kumilos sa pagkakahiga ang batang babae. Nakatitig
lamang ito sa maaliwalas na mukha ng langit. Nagtaka ang batang lalaki.
Bumangon ito at tinunguhan ang nakahigang kalaro. Nangingilid ang luha
sa mga mata nito. ’Bakit?’ Saka lamang tumingin ang batang babae sa
batang lalaki at ito’y umiyak at ang luhang tumulo sa pisngi’y pinahid
nitong palad at ang palad na iyong ipinatong sa buhanginan ay
pinaniktikan ng buhangin. ’Hindi na pala tayo maaaring maglaro...tulad
ng dati,’ anang batang babae sa basag na tinig. VII Hindi nga sila mga
bata. Siya’y dalagita na. Siya naman ay binatilyo na. Ang pagbabagong
iyon ang nagpaunawa sa kanilang may tumataas nang dingding sa pagitan
nila. Nagkikita pa rin sila sa looban ngunit hindi nga lamang tulad ng
dating nagtatagal ang kanilang pag-uusap. Nayon, parang laging may
nakatingin sa kanilang mga matang nagbabawal-sa looban, ang kanilang mga
magulang ; sa paaralan, ang kanilang mga guro. Ang kanilang tawa tuloy
ay hindi na matunog; ang hiyaw ng dalagita ay hindi na matinis, malayo
sa hiyaw nito noong araw; ang kanilang pag-uuusap ay hindi na Malaya at
pumipili na sila ng salitang kanilang gagamitin. At buwan-buwan, ang
dalagita ay may kapirasong damit na itinatago sa ilalim ng kaniyang
katre at kapag tapos na sa paglalaba ang kaniyang ina, palihim niyang
lalabhan iyon sa silong at ikukula sa kubling bahagi ng kanilang
likod-bahay. Minsan ay natutop siya ng kanyang ina sa paglalaba sa
silong at sinabi nito sa kanya: Hindi mo na kailangang dito pa labhan
iyan.. VIII Natapos ng haiskul. Nagkamay sila pagkaraang maibaot sa
kanila ang kanilang diploma. At nang nagsayawan ng gabing iyon,
magkatambal sila. Gayong hindi naman sila nahapo, ang tibok ng kanilang
dibdib ay mabilis at malakas at ngayon ay hindi maungkat iyon ng
kanilang mga labi’y tikom at kung gumalaw man ay upang pawiin ang
kanilang panunyo o paglalamat niyon. At hindi nila alam na ang tibok ng
pusong iyon ay isa pang pangyayaring nagpalaki sa lamat sa kanilang
kawalang-malay. IX Maliwanag ang narinig na salita ng dalagita: kung
gusto mong makatapos ng karera, huwag muna kayong magkita ni Ariel.
Naunawaan niya ang ibig sabihin niyon, ngunit ang pagtutol ay hindi niya
maluong sa kanyang kalooban. ’Pero, Inya...kaibigan ko si Ariel!’ May
himagsik sa kanyang tinig. ’Kahit na...kayo’y dalaga at binata na. Alam
mo na siguro ang ibig kong sabihin,’ may langkap na tigas ang sagot na
iyon. Alam niya ang kahulugan niyon: masama. Parang pait iyong umukit ng
kung anong bagay sa kanyang isip. At saglit iyong inagaw ng tinig ng
kaniyang ama. ’Ibig kong magdoktora ka, kaya kalimutan mo muna ang
lalaki!’ At ang pait na may inuukit sa kanyang isip ay parang pandalas
na pinukpok at ang kanyang katauhan ay nayanig at ang tunog na pagpukpok
ay nag-aalingawngaw ng Lalaki! Lalaki! Hindi siya nakatagal sa harap ng
kanyang mga magulang. Nakatiim ang mga labing pumasok siya sa kanyang
silid. Iyon lamang at minsang dalawin siya ng binata sa dormitoryo ay
natuklasan nila sa isa’t sia na mataa na ang dingding sa kanilang
pagitan. Matatag iyon at makapal at waring hindi nila maibubuwal. ’Huwag
muna tayong magkita, Ariel,’ sabi niya sa binata. Napatitig sa kanya si
Ariel at nakita niya ang pamamantal sa noo nito-at pagtataka, sa
damdaming unti-unting nasasaktan. ’Ba-bakit...dati naman tayong...’
’Ayaw nila...ng Inay, ng Itay…masama raw,’ at ang mga labi niya’y
nangatal kasabay ng luhang umahon sa kanyang mga mata. Masama! Masama !
At si Ariel, ang kanyang kababata, ay lumisang larawan ng isang
bilanggong hindi makaigpaw sa isang mataas na pader. X Minsan ang binata
ay umalis sa lalawigan. Mapanglaw ang kanyang mukha at napuna agad iyon
ng kanyang ama. “Bakit?” “Ayaw nang makipagkita sa akin ni Cleofe”
Nagtawa ang kanyang ama, tulad ng nakaugalian nito tuwing may ilalapit
siyang suliranin. “Walang kwenta iyon. Makita mo, kapag tapos na si
Cleofe ay magkakalapit kayong muli. Hindi mo baa lam… na gusting- gusto
ka ng mga magulang niya na maging doktora siya?” Pasigaw ang alingawngaw
ng kanyang tinig sa kanyang isip. “At habang nagdodoktora siya ay
masamang kami’y magkita?” “Tama ka,” maaagap na pakli ng kanyang ama. “
Hindi mo ba alam na kapag malapit ka sa babae ay malapit ka rin sa
tukso?” “ Tukso! Tukso! Parang matalim na kutsilyong isinaksak sa
kanyang utak ang mga katagang iyon. Mahapdi. Makirot. Parang binibiyak
ang kanyang ulo. Napapikit siya. Nagunita niya ang luntiang damuhan sa
looban, ang malamig na buhanginan kung hapon, ang mapulang silahis ng
araw na parang dugo. XI At ang dalawa’y hindi na nagkita, gayong hindi
na sa lungsod na maliit at maglakad ka lamang sa mga lansangan ay hindi
ka mawawalan ng masasalubing na kakilala. Mangyari’y iniiwasan nila ang
magkita, mangyari’y sinikil nila ang paglago ng halaman sa kanilang
katauhan na pinapag- ugat at pinag- pausbong ng mga araw sa luntiang
damuhansa looban at malamig na buhanginan sa dalampasigan kung
dapithapon. Hindi sila nagkita sapagkat inihasik sa kanilang isip na ang
pagkikita nila’y magiging masama, tukso. At sa kanilang daigdig ng mga
aklat, ng matataas na gusali, ng malalayang kabataan sa kapaligiran, ang
isiping iyon ay parang batak na nakabitin sa tabak ng kanilang ulo o
kaya’y tulad din ng isang mansanas, pulang mansanas na bibitin- bitin sa
nakayungyong na sanga ng punungkahoy. Hindi sila nagkita sa loob ng
mahaba ring panahon, mga buwan at sana’y mga taon kung nakatiis
sila…kung tuluyang nasikil nila ang halamang patuloy sa paglago sa
kanilang katauhan. XII Hindi nga sila nakatiis…isang araw na hindi
sinasadya’y nagkasalubong sila sa pamimili ng kagamitan. Kapwa sila
napahinto sa paglakad at nagbabangga na sila ng mga tao sa bangketa ay
hindi parin sila makakilos. Ang binata ang unang naglakas- loob at
binati niya ang dalaga. Hindi makasagot ang dalaga. Nakatitig lamang
siya sa mukha ng binata at nang anyayahan siya nitong magpalamig sila sa
isang kanugnog na restawran ay anapasunod lamang siya , napatangay sa
agos ng kanyang damdamin. At sa harap ng kanilang hinihinging pagkain,
sila’y nagkatitigan at sila’y nakalimot at akala nila’y sa luntiang
damuhan sila sa looban ng lalawigan, nakahiga at nakabaling sa isa’t
isa. At pagkaraan ng maraming sandali ng pagdidilidili, ng pagsusuri sa
sarili, ng pagtantiya sa pandama, hinawakan ng lalaki ang kamay ng
babae, pinisil at hinalikan at saka sa tinig na nababasag ang pananabik
at pangungulila ay sinabi : Ibig kong magkita tayo, kahit saan, kahit
saan! At ang babae ay hindi sumagot at tumango lamang at lalong
ipinaubaya sa lalaki ang kanyang palad. At sila’y nagkita sa Luneta,
hindi lang minsan, kundi maraming pagkikita….maraming- marami at ang
kanilang sikil na damdamin ay lumaya at sa unang pagkakataon, pagkaraan
ng ilang buwang pagkakalayosila’y lumigaya. Ngunti ang inihasik na binhi
ng pagkakakilala sa masama ta sa mabuti sa kanilang isip sy sumibol at
nagpaunawa sa kanilang ang ginagawa nilang iyon ay masama. Ngunit sila’y
uhaw sa gunita ng kanilang kamusmusan at sila’y naghihimagsik. XIII
Malinaw ang sinabi ang sinabi sa sulat: sa pook pa naming iyon, sa lahat
ng pook na dapat pagkaiwasan …doon kayo nakita. Hindi sana malubha kung
nakita lamang kayo, ngunit nakita kayong magkahawak kamay… sa karamihan
ng tao sa paligid. Hindi na kayo nahiya! Hindi na ipinagpatuloy ng
dalaga ang pagbasa ng liham. Nababanta ang mga sumusunod na talata:
luluwas ang ama mo kapag hindi mo itinigil ang kabaliwang iyan. Ang
binata ay hindi makatulog. Nalukot na ang suot niyang damit ay hindi
parin niya hinuhubad. Ibig niyang lumabas ng bahay- paupahang iyon,
maglakad sa lansangan at sa labas paabot ng umaga. …ipinaaabot ditto ng
mga magulang ni Cleofe ang ginawa ninyo. Hiyang hiya kami ng iyong ama.
Ibig naming makatapos ka … at ibig ipaalaala mula sa iyo na ang babae at
tukso…tukso! XIV Sinabi ng dalaga : hindi ngayon tayo maaaring magkita.
Sinabi ng binata: magkikita tayo, magtatago tayo…ililihim natin sa
kanila ang lahat. At sila nga ay nagkita, sa mga pook na hindi sana nila
dapat pagkitaan , ngnit doon sila itinaboy ng kanilang paghihimagsik,
ng takot na matupto[ at ng pangangailangan. Sa mga pook na iyon pinilit
nilang iginupo ang dingding na ipinagitan sa kanila. At sa palagay nila,
sila ay nagtatagumpay. Naaalis ang hadlang. Ngunit sa kanilang utak,
nagsusumiksik at nanunumbat ang alingawngaw ng pagbabawal, lumalarawan
ang mga nananalim na tingin masama…tukso. XV At ngayon ang kanilang
paraiso ay hindi na malawak na looban.o kaya ang dalampasigang malamig
kung ang dapithapon ang silahis ng araw ay mapulang parang dugo. Ang
daigdig nila ngayon ay makitid, suluk-sulok, malamig din, ngunit lagging
hinahamig ng init ng kanilang lumayang katawan. XIV Maligaya sila sa
kanilang daigdig. Maligaya sila sa kanilang bagong paraiso. Hanggang
isang araw ay kumulog, dumagundong ang kalawakan at nangagulat ang mga
tao sa lansangan; pamayamaya, pumatak ang ulan, na ang pasimulang
madalang ay naging masinsin. Ang dalaga ay dumungaw sa bintana- masama
ang kanyang pakiramdam. May kung anong nakakatakot na bagay sa kanyang
katawan na ibig niyang ilabas at itapon. At iyon ay waring umaakyat sa
kanyang lalamunan. Humawak siya sa palalabahan ng bintana. Tumingala
siya upang pawiin ang pagsama ng kanyang pakiramdam. Natanaw niyng
maitim ang langit at naisip niyang magtatagal ang ulan. Tumungo siya at
nakiya niyangnililinis ng tubig ang bangketa. At kasabay ng kanyang
pagtungo,parang may isinakad na pataas sa lalamunan ang kanyang bituka
at siya’y napanganga at siya’y napapikit at siya’y napaluha at paghigpit
ng kanyang paghawak sa palababahanng bintana ay naduwal siya…at ang
lumabas pagkaraa’y nilinis ng patak ng ulan, inianod ng nalikhang
mumunting agos sa gilid ng daan. At ang dalaga’y napabulalas ng iyak.
Pinagkunan: http://tl.wikipedia.org/wiki/Sa_Bagong_Paraiso
REPFLEKSYON:
Dito ay tinalakay namin ang dalawang bata na na sa murang edad ay nagmamahalan na at dito sa kwentong ito ay gumamit ng mga pahayag o pahiwatig ang akda na hindi nito direktang sinasabi na mahal na kita o iniibig kita bagkus ay gumagamit ito ng mga salitang yoon din ang kahulugan pero papahiwatig.
REPFLEKSYON:
Dito ay tinalakay namin ang dalawang bata na na sa murang edad ay nagmamahalan na at dito sa kwentong ito ay gumamit ng mga pahayag o pahiwatig ang akda na hindi nito direktang sinasabi na mahal na kita o iniibig kita bagkus ay gumagamit ito ng mga salitang yoon din ang kahulugan pero papahiwatig.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento