Iisa lamang ang aking mithi. Ang makalaya sa kaalipinan. Pagkat alipin ako.
Alipin ako ng aking sariling pagananasang guminhawa at lumigaya
ngunit nababakla ang daigdig na sa wari’y lumalaki, at ako’y naiiwan
tila butil ng buhanging makapuwing ma’y di makasugat. Alipin ako ng
sariling nangangambang di makarating sa paroroonan (ngunit saan?)
gangga-binlid na sarili. Alipin ako ng aking sariling nagnananasang
makatawid sa dagat ng pakikitalad na payapa kung minsan ngunit
kadalasa’y maalimpuyo. Alipin ako ng sariling pagkat luwad ay makaluwad,
pagkat ako’y sa tao ang puso, diwa at kaluluwa. (Ngunit hindi ba ako’y
likha ng Diyos? At sa kanya iniwangis? Nasaan ang pagkawangis na iyon?
Nasaan ang aking pagka-Diyos?)
Ito ang aking mithi: Paglaya.
At ako’y nagtatanong: Ano ang paglaya?
Ang paglaya’y ang pagkakilala sa sariling kakayahang mabuhay sa
daigdig ng kawalang-katiyakan, ang pagkaunawa sa tunay na kahulugan ng
buhay (na di lagging katuwaan, ngunit di rin naman laging kapighatian).
Ang paglaya’y ang pagkakilala sa maraming suliranin sa buhay at ang
pagkatulong malutas ang mga ito. Ang paglaya’y ang pagkaunawa sa
puu-puong kahulugan ng damdamin ng tao. Ang paglaya’y ito: ang
pagkaunawa sa sarili at sa daigdig. Ngunit paano ko mauunawaan ang aking
sarili?
Sa salamin, ang larawan ko’y mistulang ako: naroon din ang buhok na
dating malago, ngayo’y manipis, ang mukhang hawas na may guhit na ng
hapis at kahapon, ang katawang dating matipuno’y mahagway ngayon. At sa
kamalayan ay naghuhumiyaw na tanong: Sino ka? Nakikilala mo ba ang iyong
sarili? Hindi! Oo! Nakikilala ko ang aking sarili sa kanyang hubad na
larawan, ngunit di ko lubusang natatalos ang tunay na kalooban, pagkat
hanggang ngayo’y gapos pa ako ng kahangalan, bigti pa rin ako ng
karuwagan, alipin pa rin ako ng kasalanan. Wala sa akin ang pagkaunawa
sa aking sarili, lubha pa sa kaninuman: ako’y hindi malaya at ngayon,
akong dating maraming makamit, akong dating maraming nais marating,
akong dating maraming mithiin sa buhay, ay may iisang pagnanais na
lamang – ang makalaya sa kaalipinan.
Hinahanap ko ang kalayaan, sa kapatagan, sa kabundukan, sa bayan, sa
ilang na pook, sa lahat ng dako ng daigdig; sa hilaga, sa kanluran, sa
timog, sa silangan; nariyan sa alinman diyan ang kalayaang hinahanap ko.
Alam ko: Ang kalayaan ay nasa lahat ng dako. Ito’y tila hanging
malayang malalanghap (ngunit may pumipigil sa aking paglanghap): ito’y
tila hanging malayang madarama (ngunit mukha ko’y namamanhid). Paano ang
malayang paglanghap ang malayang pagdama, paano?
Sa salamin ay naroon ako.
Ako’y lalaking tinukso ng pagkakasala sa pamamagitan ng nilikhang sa
tadyang ko nanggaling. Bakit nangyari ito, sa akin ang buong Paraiso;
walang hapis, pawang ligaya. At nang ito’y naganap, nawala ang ligaya,
nahalili’y hapis. At ako’y napahiya sa sarili, unang-una. Tumingala ako.
Sa kabughawan, sa bunton ng mga ulap, hinanap ko ang Maykapal, ngunit
wala siya. Inulilig ko ang kanyang tinig, ngunit biningi ako ng
katahimikan. Nasaan ka, Diyos ko? Bigla-biglang sinaklot ng pangamba at
agam-agam ang aking katauhan. Mawawala na sa akin ang mga biyayang
kaloob ng Maykapal. At nang bumaba ang Serafin, batid kong tuluyan nang
nawaglit para sa akin ang Paraiso: Hindi na ako malaya: pagkat alipin na
ako ng aking sariling pagkasala.
Sapul noon ay hinanap ko ang kalayaan.
Buhat sa Paraiso, ako at ang aking katambal ay may tataluntuning
landas sa paghanap ng kalayaan ng dating kaginhawaan at kaligayahan,
ngunit saan? Di ba tanging Paraiso lamang ang katatagpuan ng
walang-katapusang ligaya? Sa kabughawan ng langit ay naroon ang
nagsasalimbayang mga langay-langayan. Nakikita ko ang langkay-langkay na
mga ibon sa kanilang paglipad. Ngunit saan patungo ang langay-langayan?
At ako, kasama ang sa aki’y nagbuhay, katulad ng langay-langayan, ay
saan patungo? Saan masusumpungan ang ligaya at ginhawa, ang kalayaang sa
wari’y tuluyan nang nawaglit?
Ito ang natitiyak ko: habang may buhay , ako’y ako rin: ang tao. At
saka ito: ang patutunguhan ko’y walang katiyakan, pagkat inilulunsad ko
ngayonang aking daong sa dagat ng pakikitalad; pagkat sa akin at sa
kasama ko ay pinid (matutuluyan kayang pinid?) ang Paraiso.
Ang daigdig ay totoong malawak: hindi masundan ng aking paningin ang
haba’t luwang nito. Batid ko na kung makalalagos ang aking paningin sa
tinutuntungan kong lupa’y hindi maaabot ng tingin ang lalim nito.
Sinlawak ng kalupaan ang karagatan. Ang dagat ay tubig. Sinasabing ang
tubig ay kristal na napananalaminan. Marahil sa pagiging kristal nito’y
makikita ko ang pusod ng dagat, makikita ko ang kagandahang itinatago
niyon. Subalit hindi: ang dagat ay singhiwaga ng lupa. Sumalok ka ng
tubig, magagawa mo’t masasalat ang kanyang kanipisan, ngunit sa kabila
nito’y hindi mo makikita kung ano ang inililihim sa ilalim.
At nauunawaan ko. Mahiwaga ang daigdig, at ako, kasama ang sa aki’y
nagbuhat, ay maglalakbay sa dagat ng pakiktalad nang may isang
mahalagang bagay na nababatid: kahiwagaan. Kaya marahil hindi ko maware
ang sarili: kaya marahil hindi ko nakilala ang tunay kong kaakuhan,
pagkat nababalot ng hiwaga ang Tao.
Maganda ang sikat ng araw. Nadama naming ang init. Sumalab sa balat.
Sumilong kami sa ilalim ng malalabay na sanga ng unang punong aming
natagpuan. Saka lamang kami nakadama ng bahagyang ginhawa. Ngunit pagod
na kami. Masakit ang aming mga paa. May galos at paltos na ang aming mga
talampakan. Nakadama na kami ng sakit. Wala na nga kami sa Paraiso:
doon, ang nayayapaka’y alpombrang malambot, maginhawa. Wala na, wala na
kami sa Paraiso. At ngayong tumatagal ang aming inilalagi sa labas na
iyon ay nakadarama na kami ng uhaw. Nanunuyo ang aming lalamunan.
Patuloy ang paggiti ng saganang pawis. At kumakalam na ang aming
sikmura. Ngunit anong hiwaga! Ang punong kinatitigilan namin ay may
bungang nakabitin. (“Huwag ninyong kakainin ito.” Walang gayong tinig
kaming naririnig. Gaya noong makalimot kami.) iniabot ko yaon: ngunit
mataas ang sanga, hindi kayang lundagin. Kailangan kong akyatin ang
puno. Ito ang pakikitalad, ito ang pakikipamuhay, ito ang kaalipinan.
Pagkat alipin na ako ng aking sarili. Ng daigdig, ng buhay. Hindi na ako
malaya.
Noon nagbagu-bago ang anyo ng araw – naroong sumilip, sumikat,
kumubli. At nagbagu-bago ang kulay ng langit – naroong bughaw, abuhin,
itim. At noon nagbagu-bago ang hampas ng hangin – naroong mayumi,
masungit, mabangis. Ang mga ito’y tanda ng kawalan ng katiyakan ng
anumang bagay sa daigdig. Ito ang kahiwagaang bumabalot sa lahat ng
nilikha.
Noon ko nadama ang puu-puong damdamin. Mga damdaming kay hirap
unawain: ito ay kaalipinang pinagdurusahan ng sarili. Gayundin ang
nadarama ng katambal ko. Sinimulan naming pagtuwangan ang
pakikipagsapalaran, gumawa kami ng masisilungan laban sa init at lamig,
laban sa sungit ng panahon at kalikasan. Gumawa kami ng damit laban sa
init at lamig, sa panahon at kalikasan. Ngunit ano itong
pakikipagtunggali sa kalikasan? Di ba’t sa kalikasan kami nabubuhay?
(Ito, ito ang kahiwagaang bumabalot sa katotohanan – nagbibigay-kulay,
nagbibigay-ganda, nagbibigay-halaga. Pagkat hindi ba kapag may hiwagang
nais liripin, kumikilos ang mga tao, nagpupunyagi? Ang pagsisikap na ito
ang pintig ng buhay na lumilikha ng kulay, ganda, at halaga.).
Akong Tao at ang katambal na sa tadyang ko nanggaling ay magkasama
habang may buhay sa daigdig. Magkasama kami sa pakikipagtunggali. Pagkat
siya rin ang kasama ko sa Paraiso. (Noo’y pawing ligaya!) Ngayon ay
hindi ko matingnan ang katawan ng aking katambal. Hindi ko na matitigang
matagal ang hubog niyon, pagkat nagdadalang-hiya ako. Ngunit may
nadarama akong kakaibang damdamin, hindi yaong pag-ibig na mapagkupkop,
malambing, magiliw, kundi mabangis, mapilit, maalab. Gayundin marahil
ang nadama ng aking katambal. Kasabay ng damdaming iyon ang kamalayang
dadalawa lamang kami sa daigdig (“Hayo at magsupling!”) kailangan naming
ng kasama. Nasaan ka, manlilikha! Nasaan ka, Diyos! Narito! Narito!
Nasa aking sarili: ako ang manlilikha, ngunit sa aba ko, hindi ako ang
Diyos! Ito ba ang bahagi ng pagka-Diyos sa akin? Ang damdaming nadarama
ko? Ito na ang pag-ibig sa kanyang lalong makabuluhang katuturan:
maalab, mapilit, mabangis!
Ang ikalawang salin ay sa damdaming iyon nagbuhat. Sa ganyan ding
damdamin magbubuhat ang iba pang salin. Ang lahat at lahat ay sa
damdaming iyan magbubuhat. At ako, na Tao, at siya na katambal ko, ay
nagsupling: supling at supling: salin at salin. Ito ang kahiwagaan ng
paglikha sa Tao: kayraming kawangis, kahawig: kayraming kawangis ng
Diyos, kayrami niyang binigyan ng bahagi ng kanyang pagka-Diyos. Hindi
mapupuwing ang katotohanang itong napasaakin: ang pag-ibig ay bahagi ng
Diyos na isinapi sa Tao.
Kayraming tao sa daigdig. Kayrami kong kawangis, kayrami kong
kawangis, kayrami kong larawan. Dumarami ang sakay ng daong naming
nakalutang sa dagat ng pakikitalad at saka nahasik ang iba-ibang
damdaming taglay ang hiwaga ng pakikipamuhay. Ang katapat ng pag-ibig ay
nabigyang-tiis, naging poot, at saka nag-usbong ang pakikipagkaisa o
pagbukod, pakikipagtalik or pakikipagalit. Sumibol ang
pakikipag-unawaang naging pakikipag-digmaan.
Ito ang hininga ng buhay: ang pagtigil sa daigdig na ito ay isang
malaking pakikipaghamok, buhat sa Paraiso’y napalutang na ako, kasama
ang sa aki’y nanggaling, sa dagat ng pakikitalad. Ngunit ano itong
pakikipaghamok – pakikipaghamok sa sarili o sa daigdig? Ito’y
pakikipaghamok sa sarili o sa daigdig. Nababatid ko, sapagkat nadarama
ko rin ang iba-ibang damdaming nasaksihan kong nagpagalaw, nagpakilos,
sa aking mga supling sa lahat at lahat. Sa Tao.
At habang umiinog ang araw – sumisilip, sumisikat, kumukubli ay
nadarama ko ang pagbabago: nasaksihan ko, naririnig ko, nalalanghap ko.
Ang mga pagbabagong lalo’t laong naglalayo sa akin sa Paraiso. Nawawala,
nawawala nang tuluyan wari ang Paraiso, at ako’y tila ganap nang
magiging alipin ng aking sariling nagkasala (ulit-ulit kong sinasabi:
Diyos ko, Diyos ko, subalit ang taghoy ay walang tinig.).
Nagbabago na rin ang tanawin. Marami nang gusaling naitayo: bato,
kahoy, putik. Ang kapatagan ay pinarikit ng mga halamang tanim ng mga
Tao. Ang kagubatan ay unti-unting nahahawan. Subalit Diyos ko, ako man
ay nagbabago; nawawala ang dating lakas – tumatakas, tumatakas. Ngunit
kailangang maikulong ko sa aking kalamnan ang lakas upang tumibay ang
katawan ko sa pakikitunggali sa buhay.
Marami-marami na ang aking mga supling: marami na ang tao. Lumalawak
ang sakop ng tao. Ang mga pook-pook ay sumisikip: sa malas ay lumiliit
ang kalupaan ngunit kabalintunaan, lumalaki, lumalaki ang daigdig,
pagkat nabibigayan niya ng lunan ang lahat. (Ito ang kahiwagaan ng
daigdig: may puwang sa kanyang kaliitan ang lahat na parami nang parami:
lumalaki, lumalaki ang daigdig at akong Tao ay naiiwang tila butil ng
buhanging makapuwing ma’y di makasugat: pagkat alipin. Ang tinig ko’y
walang lakas pagkat wala akong laya, taghoy ko’y walang tinig.)
Sumilang ang mga bayan-bayanan. Nakalikha ang mga tao ng mga wika at
paraan sa pagsulat, natutuhan ng mga supling ko ang mga makipag-unawaan
sa isa’t isa sa pamamagitan ng salita (sari-saring salita) at sulat
(sari-saring sulat). Subalit dahil din sa pagkakaibang ito’y ng-uugat
ang di-pagkakaunawaang pagkat nawawala ang tatak ng pagkakaisa. Isa pa
ring kabalintunaan: bumuo ng salita upang magkaunawaan, ngunit siyang
salita ring dahilan ng di-pagkakaunawaan. Bakit ganito? Pagkat sumipot
ang pagkakani-kaniya, sumibol ang pagkamakasarili. Ito’y mga tanda ng
pagkagapi, ng pagkatalo, ng sarili: napaalipin nang lubos ang tao sa
sariling nagkasala, hindi, hindi nga ako malaya!
Nagkaroon ng sariling ari-arian ang tao. May mga kasangkapang tanging
kanila, walang makakagalaw. Gaya rin ng karapatang kumilos, lumakad,
manahanan, mabuhay na hindi dapat sansalain. Ito’y ipagtatanggol
hanggang sa magtigis ng dugo at kumitil ng buhay! May mga kagamitang
kanya: iilang malapit sa puso lamang ang makagagalaw. Dito nagbinhi ang
inggit at pag-iimbot, pagkat may mga taong nagnanais na magkamit ng ari
ng iba. Kung may mga supling akong mapanarili, mayroon pa ring naging
mapagkamkam.
Sa salamin ay minasdan ko ang aking larawan, pagkalipas ng
maramin-maraming panahon. Nahahapis ako, may pilak na ang aking buhok.
Patuloy ang buhay: pumipintig, kumikilos, humahalakhak sa lahat ng
dako ng daigdig. Lumalakad sa lupa, napapatitianod sa tubig, lumilipad
sa himpapawid, iyan ang buhay. Patuloy rin ang Tao sa kanyang
pakikipaghamok sa sarili at sa daigdig. At ako’y patuloy sa paghahanap
ng tunay na paglaya sa kaalipinan sa sarili.
Nalikha ang maraming bagay na panghalip sa ibang niyari ng Maykapal.
Nakagawa ang Tao ng maraming bagay na wari’y nakaligtaang ipagkaloob ng
kalikasan. Sino ang may-ari nito? Tutugon ako, na Taong mapanarili: Ako.
Subalit ako’y hindi lamang nag-iisa. Marami ako: libu-libong ako,
laksa-laksang ako. At naroroon sa lahat ng dako. Iba-iba ang aking anyo,
ugali, wika, iba-iba ang aking larawan. Subalit sa tanaw ng Diyos na
lumikha sa akin ay iisang lahat ng ito. Ang Tao’y iisa, iisang
kalahatang may iba-ibang tibok at pintig.
Nais lupigin ng Taong nakikipaghamok sa sarili ang buong daigdig, ang
buong sansinukob. Ang kalawakan ay nais masakop, nais maangkin. Ngayon
ay nalikha ang isang kababalaghan. Lumilitaw ang pagkamanlilikha ng Tao,
lumilitaw ang kanyang pagka-Diyos – Ito na kaya? Ito na kaya ang
kalayaang laon nang hinahanap ng Tao? Ngunit hindi, hindi, hindi pa ito
ang kalayaang pagpakilala sa sarili at pagkaunawa sa kahulugan ng buhay.
Hindi pa nga ito pagkat hindi pa nakikilala ng tao ang kanyang sarili,
hindi pa niya nauunawaan ang tunay na kahulugan ng buhay. Bakit?
REFLEKSYON:
Sa pagsusuri ko sa akda sa pananaw humanismo ay mahalagang pagtuunan ng pansin ang pagiging marangal ng isang tao. Ang kanyang mga kapuripuring katangian at nga amga magagandang saloobin at gawi na makatulong para maitaas ang karangalan ng isang tao.