Ilang
maliliit na bata ang magpapalutang ng mga bangkal papel, nariyang tinatangay ng
tubig, naroong sinasalpok at inilulubog, nariyang winawasak.
Sa tuwi
akong makakikita ng bangkang papel ay nagbabalik sa aking gunita ang isang
batang lalaki. Isang batang lalaking gumawa ng tatlong malalaking bangkang
papel na hindi niya napalutang sa tubig kailanman...
Isang
batang lalaking nagising sa isang gabi, sa mag dagundong na nakagugulat.
Sa loob ng
ilang saglit, ang akala niya’y Bagong Taon noon. Gayon ding malalakas na ugong
ang natatandaan niyang sumasalubong sa Bagong Taon. Ngunit pagkalipas ng ilan
pang saglit, nagunita niyang noon ay wala nang ingay na pumapatak mula sa kanilang
bubungan.
Sa
karimla’t pinalaki niya ang dalawang mata, wala siyang makitang ano man maliban
sa isang makitid na silahis. Hindi niya malaman kung alin ang dagundong ng
biglang pumuno sa bahay ang biglang pagliliwanag. Gulilat siyang nagbalikwas at
hinanap nang paningin ang kanyang ina.
Nagsunud-sunod
ang tila malalaking batong gumugulong sa kanilang bubungan. Ang paggulong ng
mga iyo’y sinasaliwan ng pagliliwanag at pagdidilim ng bahay, ng pagliliwanag
na muli. Samantala’y patuloy ang pagbuhos ng ulan sa kanilang bubungan, sa
kanilang paligid, sa lahat ng dako.
Muling
nahiga ang nagbalikwas at ang tinig niya ay pinatalagos sa karimlan.
“Inay,
umuulan, ano?”
“Oo, anak,
kangina,” anang tinig mula sa dulo ng hihigan.
“Inay,” ang
ulit niya sa karimlan, “dumating na ba ang Tatay?”
Sumagot ang
tinig ngunit hindi niya maunawaan. Kaya’t itinaas niya nang bahagay ang likod
at humilig sa kaliwang bisig. Sa kanyang tabi;y naroon ang kapatid na si
Miling. Sa tabi nito’y nabanaagan niya ang katawan ng ina, at sa kabila naman
nito’y nakita niya ang banig na walang tao.
Ibinaba
niya ang likod at iniunat ang kaliwang bisig. Naramdaman niya ang sigis ng
lamig ng kanyang buto. Mula sa nababalot na katawan ni milng ay hinila niya ang
kumot at ito’y itinakip sa sariling katawan. Bahagyang gumalaw ang kapatid,
pagkatapos ay nagpatuloy sa hindi pagkilos. Naaawa siya kay Miling kaya’t ang
kalahati ng kumot ay ibinalot sa katawan niyon at siya’y namaluktot sa nalabing
kalahati.
Naramdaman
niya ang panunuot ng lamig sa kanyang likod. Inilabas niya ang kanag kamay sa
kumot at kinapa ang banig hanggang sa maabot niya ang sahig.
Anong lamig
sa sahig, ang naisip niya, at ang kanang kamay ay dali-daling ipinasok muli sa
kumot.
“Inay,” ang
tawag niyang muli, “bakit wala pa si Tatay? Anong oras na ba?”
“Ewan ko,”
ang sagot ng kanyang ina. “Matulog ka na, anak, at bukas ay magpapalutang ka ng
mga bangkang ginawa mo.”
Natuwa ang
bata sa kanyang narinig.
Magkakarerahan
kami ng bangka ni Miling, ang aki’y malalaki’t matitibay...hindi masisira ng
tubig.
Dali-dali
siyang nagbangon at pakapa-kapang sumiksik sa pagitan ng kapatid at ng kanyang
kausap. Idinaan niya ang kanyang kamay sa pagitan ng baywang at bisig ng ina.
Naramdaman niya ang bahagyang pag-aangay ng kaliwang bisig niyon. Ang kanang
kamay noo’y ipinatong sa kanyang ulo at pabulong na nagsalita:
“Siya,
matulog ka na.”
Ngunit ang
bata’y hindi natulog. Mula sa malayo’y naririnig niya ang hagibis ng malakas na
hangin. At ang ulang tangay-tangay noon.
“Marahil ay
hindi na uuwi ang Tatay ngayong gabi,” ang kanyang nasabi. Naalala niyang may
mga gabing hindi umuuwi ang kanyang ama.
“Saan
natutulog ang Tatay kung hindi siya umuuwi rito?” ang tanong niya sa kanyang
ina. Ngunit ito’y hindi sumagot.
Sinipat
niya ang mukha upang alamin kung nakapikit na ang kanyang ina. Ngunit sa
karimlan ay hindi niya makita.
Bago siya
tuluyang nakalimot, ang kahuli-hulihang larawan sa kanyang balintataw ay ito.
Tatlong malalaking bangkang yari sa papel na inaanod ng baha sa kanilang
tapat...
At
samantalang pumapailanlang sa kaitaasan ang kahuli-hulihang pangrap ng batang
yaon, ang panahon ay patuloy sa pagmamasungit. Ang munting bahay na pawid ay
patuloy sa pagliliwanag at pagdidilim, sa pananahimik at pag-uumugong, sa pagbabata
ng walang awing hampas ng hangin at ulan...
Ang
kinabukasan ng pagtatampisaw at pagpapaanod ng mga bangkang papel ay
dumating... Ngunit kakaibang kinabukasan.
Pagdilat ng
inaantok pang batang lalaki ay nakita niyang nag-iisa siya sa hihigan. Naroon
ang kumot at unan ni Miling at ng kanyang ina.
Pupungas
siyang bumangon.
Isang kamay
ang dumantay sa kanyang balikat at nang magtaas ng paningin ay nakitang yao’y
si Aling Berta, ang kanilang kapitbahay.
Hindi niya
maunawaan ang tingin noong tila naaawa.
Biglang-biglang
naparam ang nalalabi pang antok. Gising na gising ang kanyang ulirat.
Naroon ang
asawa ni Aling Berta, gayon din sina Mang Pedring, si Alng Ading, si Feli, at
si Turing, si Pepe. Nakita niyang ang kanilang bahay ay halos mapuno ng tao.
Nahihintakutang
mga batang humanap kay kay Miling at sa ina. Sa isang sulok, doon nakita ng
batang lalaki ang kanyang ina na nakalikmo sa sahig. Sa kanyang kandungan ay
nakasubsob si Miling. At ang buhok nito ay walang tigil na hinahaplus-haplos ng
kanyang ina.
Ang mukha
ng kanyang ina ay nakita ng batang higit na pumuti kaysa rati. Ngunit ang mga
mata noo’y hindi pumupikit, nakatingin sa wala.
Patakbo
siyang lumapit sa ina at sunud-sunod ang kanyang pagtatanong. “Bakit, Inay, ano
ang nangyari? Ano ang nangyari, Inay? Bakit maraming tao rito?”
Ngunit tila
hindi siya narinig ng kausap. Ang mga mata noo’y patuloy sa hindi pagsikap. Ang
kamay noo’y patuloy sa paghaplos sa buhok ni Miling.
Nagugulumihang
lumapit ang bata kina Mang Pedring at Aling Feli. Ang pag-uusap nila’y biglang
natigil nang siya’y makita.
Wala siyang
narinig kundi... “Labinlimang lahat ang nangapatay...”
Hindi niya
maunawaan ang ang lahat. Ang pagdami ng tao sa kanilang bahay. Ang anasan. Ang
ayos ng kanyang ina. Ang pag-iyak ni Aling Feli nang siya ay makita.
Sa pagitan
ng mga hikbi, siya’y patuloy sa pagtatanong...
“Bakit po?
Ano po iyon?”
Walang
sumasagot sa kanya. Lahat ng lapitan niya’y nanatiling pinid ang labi.
Ipinatong ang kamay sa kanyang balikat o kaya’y hinahaplos ang kanyang buhok at
wala na.
Hindi niya
matandaan kung gaano katagal bago may nagdatingan pang mga tao.
“Handa na
ba kaya?” anang isang malakas ang tinig. “Ngayon din ay magsialis na kayo.
Kayo’y ihahatid ni Kapitan Sidro sa pook na ligtas. Walang maiiwan, isa man.
Bago lumubog ang araw sila’y papasok dito... Kaya’t walang maaaring maiwan.”
Matagal
bago naunawaan ng bata kung ano ang nagyari.
Sila’y
palabas na sa bayan, silang mag-iiba, ang lahat ng kanilang kapitbahay, ang
maraming-maraming tao, at ang kani-kanilang balutan.
Sa
paulit-ulit na salitaan, sa sali-salimbayang pag-uusap ay nabatid niya ang
ilang bagay.
Sa
labinlimang nangapatay kagabi ay kabilang ang kanyang ama...sa labas ng
bayan...sa sagupaan ng mga kawal at taong-bayan.
Nag-aalinlangan,
ang batang lalaki’y lumapit sa kanyang ina na mabibigat ang mga paa sa
paghakbang.
“Inay,
bakit pinatay ng mga kawal ang Tatay? Bakit? Bakit?”
Ang mga
bata noong nakatingin sa matigas na lupa ay isang saglit na lumapit sa kanyang
mukha. Pagkatapos, sa isang tinig na marahang-marahan ay nagsalita.
“Iyon din
ang nais kong malaman, anakm iyon din ang nais kong malaman.”
Samantala...
Sa bawat
hakbang na palayo sa bahay na pawid at sa munting bukid na kanyang tahanan ay
nararagdagan ang agwat ng ulila sa kanyang kabataan.
Ang gabing
yaon ng mga dagundong at sigwa, ng mga pangarap na kinabukasan at ng mga
bangkang papel – ang gabing yaon ang kahuli-hulihan sa kabataang sasansaglit
lamang tumagal. Ang araw na humalili’y tigib ng pangamba at ng mga katanungang
inihahanap ng tugon.
Kaya nga
ba’t sa tuwi akong makakikita ng bangkang papel ay nagbabalik sa aking gunita
ang isang batang lalaki. Isang batang lalaking gumawa ng tatlong malalaking
bangkang papel na hindi niya napalutang kailanman...
Pinagkunan:
http://filipino3zchs.multiply.com/journal/item/15/Bangkang-Papel?&show_interstitial=1&u=%2Fjournal%2Fitem